Bakit ‘Usi’ ang Pinoy?

Ayon sa Pinoy jargon, usi is a short term for usiyoso.

O, huwag kayong magbigay ng kung ano-anong reaksyon dyan dahil wala naman akong sinabi na negatibo ang terminong iyon. Pero kung sa bagay, tama lang siguro na sumimangot ang iba (hindi dahil natamaan sila) kundi dahil ang ‘usi’ sa Ingles ay curious. And curiosity killed the cat.

Pagpasensyahan niyo na tong Tagalog blogpost ko na ito, at hindi ako sanay na magsulat sa wikang sariling atin. Pero susubukan ko ang aking makakaya para makalikha ng obra maestra… kaysa naman maglathala ako dito ng Pinoy style pero Ingles ang wika… ang panget hindi ba?

***

Isang maliit na langaw ang dumapo sa straw ng Coke Zero na inorder ko sa Greenwich North Edsa habang ako ay nagbabasa ng sikat na akda ni Jose Saramago na Blindness. Hindi ko inakala na sa kabila ng mala-Starbuck’s na sofa at mesa sa Greenwich na ito, sa ambience nitong katulad ng isang world-class na McCafe, at sa kakaibang hugis ng baso na square ang base, at cylindrical ang mouth, madalas pala ritong tumambay ang mga batang langaw. Humingi ako ng panibagong straw mula sa waiter na binalot pa sa tissue ngunit kitang-kita ko naman kung paano niya hinawakan ito gamit ang kaniyang kamay mula sa straw dispenser.

Tanaw ko mula sa salamin ng restawran-slash-insect’s haven ang hindi magkamayaw na mga tao (karamihan ay Pilipino) sa pagsilip sa animo’y balcony ng Entertainment area ng SM. May balkonahe kasi sa tapat ng Greenwich na aking kinainan. Animo’y may pinanonood sa ibaba.

“Keep right,” wika ng maraming slogan na halos lumuha na sa hindi pagpansin sa kaniya sa mga pampublikong gusali. Pero sa malimit na pagkakataon, sinunod ito ng mga tao sa tapat ng Greenwich. Lahat ay lumakad sa gawing kanan upang bigyang sulyap ang kung ano mang nagaganap sa ibaba. Mabuti naman ay sumunod ang mga Pilipino sa simpleng patakaran na matagal nang itinatatak sa ating isipan.

Nakita ko ang grupo ng mga Nursing students na masayang-masaya sa kanilang pagkwewentuhan. Tawa dito, tawa doon. Pero isa lang pala ang makakapagpapigil sa kanila. Isa sa mga iyon ang itinigil ang pagtawa upang silipin ang nasa ibaba. Sumunod ang iba sa kanya. Matapos makita, isang simpleng ngiti na lamang ang nakita sa kanilang mga labi, tapos ang kwentuhan.

May mga bata rin na dalawa ang paraan ng pagsilip roon, may mga iba na pilit na umaakyat sa balikat ng kanilang ama, o sa ina (grabe ito) upang makita ang pangyayari sa gitna ng malahiganteng mga nakakatanda. At may iba na walang malay na sumusuot sa gitna ng mga binti ng mga taong aliw sa panunuod upang makasulyap. Walang malay.

Bawat tao yata na dumaan rito, dahil kanilang nakita ang kumpol-kumpol na mga manunuod na tila nakikiusiyoso sa isang malagim na aksidente, ang magsasayang ng ilang minuto para makita lamang kung ano ang nangyayari. To satisfy their curiosity, ‘ika nga. Isang magkasintahan pa ang hindi pinalampas ng kultura. Nakasandal ang ulo ng dalaga sa balikat ng lalaki. Hindi ko mawari kung siya’y sadyang inaantok lamang, o may iniinda. Pero sa tingin ko, mukhang ang ikalawa ang dahilan. Walang pakundangang lumapit ang lalaki sa balkonahe upang sumilip habang ang kanyang nobya ay naiwan sa pagkagulat. Doon ko nalaman na mali pala ang aking hula. Maling akala.

Isang lagok mula sa baso, isang palakpakan ang aking narinig. Ang mga bata ay tuwang-tuwa, pero hinay-hinay lamang at baka mahulog sa pagkakakarga, balkonahe iyon. Kumapal ang mga taong nakapalibot sa balkonahe, bawat isa ay naiinis nang hindi man lamang nakakita sa dami ng nakikiusiyoso.

Bakit ganun ang Pinoy? Tila baga nagiging habit o routine o instinct na ng mga Pinoy ang makiusiyoso o makialam kung may makitang palibot ng tao. At pagkatapos na makita ang kung ano naman ang naroon, walang reaksyong aalis kung hindi nagustuhan (boring, sabi ng ilan) at tuloy sa paglalakad.

Naku, napansin na pala ng babae ang bata na nasa ilaliman niya. Umiyak tuloy ang kaawa-awang bata.

Ilang sandali lamang ay nai-serve na ang Chili Con Carne at ang Pizza Fries na na aking inorder. “Kung may kailangan pa po kayo, pakisabi na lang po sa kin,” wika ng waiter. Teka, sino ka ba? Ano ang pangalan mo? Paano kita… Ngunit nakaalis na siya bago ko pa man ito maitanong.

Natapos ang aking lunch habang hindi natatapos ang pagdami ng tao roon. Salamat at may mga nainis na at umalis na lamang o hindi na nag-atubiling sumilip pa. Papaunti na ang mga tao ng lumabas ako sa Greenwich.

Ah, isa lang palang mahikerong pinaglalaruan ang kaniyang panyo na parang bata.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s